Wednesday, October 28, 2009


Nasyonalismo:Makabansang Pananaw


Nasyonalismo? Ano nga ba ito? Isang salitang may malalim na pakahulugan at mahirap maipaliwanag, ngunit ano nga ba ang epekto nito para sa isang estudyanteng katulad ko?

Nasyonalismo. Ang nasyonalismo ay itinuturo sa isang mag-aaral na katulad ko upang matutunan ang importansiya ng pagpapahalaga sa ating watawat at pagbibigay tuon sa kagandahan ng ating sariling mga likas na yaman. Kadalasan, pagmamahal at pagiging tapat sa bayan o sa mas simpleng konteksto, ang pagiging makabayan, ang sagot ng mga nakararami kapag itinatanong ang kahulugan nito. Ito ay isang damdaming makabansa ng mga taong nagpapakita ng pagmamahal at pagiging tapat sa sarili at nag-iisang bayan. Ngunit ang nasyonalismo ay hindi lamang tumutukoy sa pagmamahal lamang sa bayan kundi ay pagmamahal din sa sariling lahi at sa ating mga tungkulin bilang mamamayan ng ating bansa, ang ating mga obligasyon bilang isang indibidwal na may makabansang pananaw. Sa paglinang ng nasyonalismo, hindi lamang mahalaga ang lupang tirahan, pamahalaan, o namumuno, higit na binibigyang-diin dito ang pagkakaisa ng mga taong naniniwala na kabilang sila sa iisang bansa at handang ipagtanggol at pangangalagaan ito.

May malaking dulot ang kahalagahan ng nasyonalismo sa aking pagkatao, dahil dito nabuksan ang aking isip sa maraming bagay na dapat gawin sa ating bansa, Ang nasyonalismo, maipapakita mo ito sa paggawa ng mga simpleng bagay tulad ng pagiging disiplinado at ang pagsunod sa mga batas. Ang batas na ipinapatupad ay para sa ikabubuti ng bansa, kung susundin ito, tumutulong narin ang mamamayan sa pagpapabuti sa bayan. Ang paglilingkod sa bayan ay isang paraan din upang makatulong sa pagsulong ng bansa sa kaunlaran.


Paano nga ba mapapakita ang ating makabansang pagkatao? Unang-una sa lahat, ang pinaksimpleng gawin upang mapakita ang ating pagmamahal sa bayan ay ang pagsasalita ng ating sariling wika, ang wikang FILIPINO. Dapat lagi nating isa-isip na tayo ay isang Pilipino at dapat natin tangkilikin ang ating sariling wika. Ngunit, bilang isang mag-aaral, at isa sa mga nakakaalam na ang wikang Ingles ay ang pansamantalang unibersal na wika ay dapat din itong pag-aralan, pero hindi ibig sabihin nito na ito na ang ating sentro ng edukasyon.
Lahat ng mga makadayuhang patakaran sa edukasyon ay dapat na hindi tangkilikin at buuin ang isang programa ng edukasyong nakasentro sa pagpapaunlad ng kabuhayang hindi nakabatay sa dayong kapital. Pangalawa sa mga paraan upang ipakita ang ating pagiging makabayan ay ang pagtangkilik sa ating sarilig produkto. Kung susupotahan natin ang mga produktong gawang Pilipino, uunlad ang mga negosyong Pilipino. Dadami ang mabibigyan ng trabaho. Tataas ang mga sweldo ng mga manggagawa. Tataas ang antas ng pamumuhay ng bawat Pilipino. Uunlad ang bansang Pilipinas. Ito ay ilan lamang sa mga paraan upang maipakita ang ating pagmamahal sa bayan. Ikaw, ako, tayo, ang kailangan na ating bansa upang umunlad. Ang ating pananaw nasyonalismo ay kanakailangan na ating linangin sa ikatataguyod ng ating mahal na bansa. Ikaw, bilang estudyante rin,isang kabataan, ano ang magagawa mo?

1 comment:

  1. I'm appreciate your writing skill.Please keep on working hard.^^

    ReplyDelete